Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang gobyerno na dagdagan ang subsidiya para sa transport sector partikular sa modernization program ng public utility vehicles (PUVs).
Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa ilalim ng PUV Modernization Program, lahat ng jeepney ay dapat mapalitan na ng makinang Euro-4 o sumusunod sa Philippine National Standards (PNS).
Sinabi ng senador na sa ngayon ay 60% pa lang ang compliance rate para sa PUV modernization subalit walang alokasyon para sa programa sa ilalim ng 2024 national budget.
Iginiit ng mambabatas na dapat maging bahagi ng istratehiya ng DOTr ang pagtataas ng pondo para makamit na ang target na 100% modernisasyon sa hanay ng mga PUV sa bansa.
Ayon sa DOTr, ang isang unit ng modernized PUV ay nagkakahalaga ng P2.4-M hanggang P2.8-M.
Sinabi naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ipagpapatuloy ng departamento ang pagbibigay ng equity subsidies sa lahat ng PUV drivers at operators upang matulungan silang palitan ang mga lumang unit na kasalukuyang gamit nila.
Humihiling din anya sila ng P1.6-B para sa programa sa susunod na taon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News