Inaprubahan ng Department of Education (DepEd) ang increase sa annual Teachers’ Salary Subsidy (TSS) para sa eligible private school teachers, sa ₱24,000 mula sa ₱18,000 simula ngayong school year 2025–2026.
Kasunod ito ng ad referendum approval ng State Assistance Council, ang policy-making body na nangangasiwa sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Program.
Ang umento ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA), kung saan muli nitong inihayag ang pagsusulong ng kanyang administrasyon para sa patas at dekalidad na edukasyon.
Sa ceremonial signing sa Makati City, binigyang-diin ni DepEd Secretary Sonny Angara ang mahalagang papel ng private school teachers sa national development, at ang pangangailangan na punan ang gap sa pagitan ng kanilang kompensasyon at sa kanilang counterparts sa public schools.