Kinumpirma ni Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na naisilbi na ang apat na subpoena sa mga contractor na kabilang sa ipinatatawag sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga sinasabing substandard at ghost flood control projects.
Ayon kay Aplasca, ang apat na subpoena ay naihatid na sa mga contractor na nakabase sa Metro Manila, habang ang natitirang anim ay ipapadala ngayong araw sa Albay, Sorsogon, Bulacan, Pampanga, at Benguet.
Sampung kontratista ang inisyuhan ng subpoena ng Senado matapos silang bigong dumalo sa unang pagdinig hinggil sa mga alegasyon ng katiwalian sa flood control projects.
Kabilang sa mga ipinatawag:
Luisio Tiqui, pangulo ng L.R. Tiqui Builders, Inc.
Sarah Discaya, pangulo ng Alpha and Omega Gen. Contractor & Development Corporation
Lawrence Lubiano, pangulo ng Centerways Construction and Development Inc.
Edgar Acosta, pangulo ng Hi-Tone Construction & Development Corp.
Marjorie Samidan, authorized managing officer ng MG Samidan Construction
Romeo Miranda, pangulo ng AMO Royal Crown Monarch Construction & Supplies Corp.
Roma Angeline Rimando, pangulo ng St. Timothy Construction Corporation
Aderma Angelie Alcazar, pangulo ng Sunwest Incorporated
Eumir Villanueva, pangulo ng Topnotch Catalyst Builders Inc.
Mark Allan Arevalo, general manager ng Wawao Builders
Itinakda naman sa September 1 ang susunod na pagdinig ng komite kung saan inaasahang haharap ang mga naturang kontratista.