![]()
Isang araw bago ang pagsisimula ng ASEAN Senior Economic Officials Meeting mula Disyembre 10 hanggang 13, 2025 sa Boracay Island, Aklan, naka-preposition na ang Sub-Task Group on Emergency Preparedness and Response ng Office of Civil Defense.
Personal na pinangasiwaan ni Civil Defense ASec. Bernardo Alejandro IV ang paglalatag ng mga kinakailangang hakbang, katuwang ang mga kinatawan mula sa ibang ahensya ng gobyerno, upang matiyak ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng naturang aktibidad sa isla.
Ayon sa opisyal, layon ng paghahandang ito na masiguro ang kaligtasan at seguridad ng lahat ng delegado at opisyal na dadalo sa pagpupulong, maging handa at agad na makapagbigay ng tulong sa mga sitwasyong hindi inaasahan o sakuna, at matukoy ang mga kinakailangang karagdagang paghahanda upang agad itong matugunan.
Una nang sinabi ng Philippine National Police na magpapakalat ito ng nasa 1,500 pulis na magbabantay at tututok sa pagbibigay seguridad sa tatlong araw na ASEAN Summit sa Boracay Island.
