Inihayag ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na naging institutionalized o permanenteng polisiya na ng gobyerno ang streamlining o pagpapabilis ng pag-proseso ng permits sa pagtatayo ng telecommunications at internet infrastructure sa bansa.
Ito ay matapos ilabas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order no. 32 para sa streamlining ng permits, na dati ay ipinag-utos lamang sa ilalim ng isang joint memorandum circular.
Sa Laging Handa public briefing, inihayag ni ARTA Director General Ernesto Perez na wala nang magiging expiration period ang streamlining.
Dahil dito, makakaasa umano ang publiko ng mas mabilis at malakas na internet connection sa bansa.
Sa ilalim ng EO 32, pabibilisin ang pag-proseso at pag-iissue ng permits para sa konstruksyon, installation, repair, operation, at maintenance ng shared passive telecommunications tower infrastructure.
Bilang miyembro naman ng technical working group ay gumagawa na ang ARTA ng implementing guidelines ng EO. —sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News