dzme1530.ph

Stratbase nagbabala: KPB maaaring gamitin sa foreign spying

Loading

Nagbabala si Stratbase Institute President Victor Andres “Dindo” Manhit na ang Konektadong Pinoy Bill (KPB), kung maisasabatas sa kasalukuyang anyo nito, ay maaaring magdulot ng seryosong banta sa pambansang seguridad.

Ayon kay Manhit, bagama’t layunin ng panukala na palawakin ang digital connectivity sa buong bansa, kulang ito sa mahahalagang probisyon sa cybersecurity at data privacy. Aniya, maaari itong magbukas ng daan sa dayuhang impluwensiya, lalo na mula sa mga tagasuporta ng pro-China narratives.

“The Konektadong Pinoy Bill, in its current form, lacks the critical safeguards to ensure that connectivity does not come at the expense of national security,” ani Manhit sa isang forum ng Armed Forces of the Philippines.

“We cannot trade convenience for control. Without robust digital protections, we are risking mass exposure to surveillance, manipulation, and foreign interference,” dagdag pa niya.

Sa forum na may temang “Democracies in the Age of Disinformation and Misinformation,” tinalakay ni Manhit ang masalimuot na papel ng impormasyon sa makabagong digmaan. Binigyang-diin niya na ang cybersecurity ay hindi na lamang teknikal na usapin kundi isa nang pangunahing haligi ng pambansang seguridad. Aniya, ginagamit na ngayon ang algorithm-driven deception, cyber intrusions, at digital manipulation bilang modernong armas ng mga kalabang estado.

“Cybersecurity is no longer just a technical concern; it is a fundamental pillar of our national security,” giit ni Manhit. “Unchecked digital manipulation… are now instruments of geopolitical aggression, and we must treat them as such.”

Isa rin sa mga tinutukan ng forum ang tinatawag na “5th Generation Warfare”, isang anyo ng hybrid conflict kung saan ang impormasyon ay parehong target at sandata. Ayon kay Manhit, lumalawak ang panganib sa cyberspace, at patuloy itong ginagamit upang pahinain ang demokratikong institusyon ng bansa.

Ibinunyag din niya ang mga ebidensiya ng mga coordinated disinformation campaigns, foreign-funded propaganda, at digital influence operations na naging aktibo sa panahon ng eleksiyon. Layon umano ng mga ito na guluhin ang pampublikong pananaw, sirain ang tiwala sa mga institusyon, at pigilan ang mga tagapagtanggol ng karapatan sa West Philippine Sea.

“Our digital vulnerabilities are being exploited to undermine advocacies in the West Philippine Sea and silence defenders of democracy,” aniya, kasunod ng mga ulat ng Stratbase ukol sa pro-China information operations.

Nanawagan si Manhit sa mga mambabatas na huwag madaliin ang pagpasa ng KPB. Giit niya, mahalagang isaalang-alang ang mas malawak na kontekstong pang-geopolitikal bago pagtibayin ang panukala.

“A bill this far-reaching should not be blind to the geopolitical context in which we operate… it becomes a Trojan horse for adversarial state actors,” babala niya.

Hinimok din niya ang Kongreso na tiyakin ang pagkakaroon ng malinaw na cybersecurity protocols, transparency mechanisms, at matibay na pananagutan sa pagpapatupad ng batas.

“Connecting citizens must not mean exposing them to surveillance. Anything less is a threat to our sovereignty,” ani Manhit.

Bilang tugon sa patuloy na banta sa cyberspace, iminungkahi ni Manhit ang pagpapatupad ng isang whole-of-society approach na kinabibilangan ng mga kampanya kontra disinformation na nakabatay sa datos, epektibong public communication strategies, grassroots digital literacy programs, regular cybersecurity audits, at pakikipagtulungan sa mga demokratikong kaalyado ng Pilipinas.

About The Author