Muling binigyang-diin ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pangangailangan na i-upgrade ang standards sa medical education.
Sinabi ni Gatchalian na kailangang i-upgrade ang basic medical education, medical internship, at post-graduate medical education and training.
Sa kanyang Senate Bill 953 o ang proposed Physicians Act, iginiit ni Gatchalian na dapat tugunan ang mga polisiya na wala sa kasalukuyang batas para sa medical profession.
Kabilang na rito ang pagbubukas ng pagpapractice ng propesyon sa bansa para sa mga dayuhan, pagpapataw ng parusa para sa illegal practice ng medisina at paglilinaw sa depinisyon ng medical malpractice at ang katapat na parusa para rito.
Layun din ng panukala na lumikha ng Medical Education Council sa ilalim ng pangangasiwa ng CHED na siyang magtatakda ng minimum required curriculum para sa degree ng Doctor of Medicine kasama na ang internship.
Bubuo rin ng Professional Regulatory Board of Medicine sa ilalim ng Professional Regulation Commission na siya namang mamamahala, magre-regulate, at magbabantay sa pagsasanay ng medisina sa bansa kabilang na ang telemedicine.