Umapela si Senadora Imee Marcos sa Social Security System na gawing mas madali ang proseso ng calamity loan.
Aniya, sa tuwing may bagyo, kailangan agad ng tulong pinansyal ang mga nasalanta.
Ngunit imbes na makatulong, nagiging pabigat pa ang komplikadong sistema ng online application.
Nakarating umano sa kanya ang mga reklamo mula sa mga miyembro na hirap sa online processing, lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.
Hinimok ng senador ang SSS na agad repasuhin ang kanilang sistema at magbigay ng alternatibong paraan para sa mga walang internet access, kabilang na ang pagbabalik ng walk-in applications sa mga apektadong lugar.
Paalala ni Marcos, responsibilidad ng mga ahensya na ayusin ang serbisyo, lalo sa panahon ng kalamidad.