dzme1530.ph

“Specialty Justice Zone” sa Tagaytay City, inilunsad ng Korte Suprema

Inilunsad ng Korte Suprema ang isang “Specialty Justice Zone” sa Tagaytay City, na tututok sa economic development and tourism o “Eco-Tourism”.

Mismong sina Supreme Court Associate Justice Maria Filomena Singh, kasama sina Interior and Local Government Usec. Lord Villanueva, Justice Usec. Raul Vasquez at iba pang opisyal ang dumalo sa pagbubukas nito.

Ang Tagaytay City Justice Zone ay nabatid na ika-11 nang Justice Zone na inilunsad sa bansa, at ika-4 sa ilalim ng pamumuno ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa Kataas-taasang Hukuman.

Sinabi ni Associate Justice Singh, kung ang ekonomiya ay uunlad, kailangang kasabay nito ang “Rule of Law” at maisasakatuparan ito kung mayroong episyente, tumutugon at “real-time” na paghahatid ng hustisya.

Ayon sa Korte Suprema, ang pagtatayo ng Justice Zones ay isa sa mga pangunahing proyekto ng Justice Sector Coordinating Council (JSCC).

Layunin nito na magkaroon ng mabilis, patas na pag-usad at pagpapatupad ng criminal justice system sa ating bansa.

Hangad din nito na lalo pang mapalakas ang koordinasyon at komunikasyon sa pagitan ng Korte Suprema, Department of Justice, at Department of the Interior and Local Government. —sa ulat ni Felix Laban, DZME News

About The Author