Binuweltahan ni Speaker Martin Romualdez si Former President Rodrigo Duterte sa lantaran nitong pagtutol sa isinusulong na economic constitutional reform.
Ayon kay Romualdez, tila nakalimutan ng dating Pangulo na ang kampanya nito noong 2016 ay naka-sentro sa pagpapalit ng porma ng gobyerno mula sa Presidential tungo sa Parliamentary Form of Government.
Una diyan, sinabi ni Duterte na tutol siya sa People’s Initiative dahil kontento pa ito sa kasalukuyang Saligang Batas, kabaligtaran noong siya pa ang Presidente na hindi lamang amendments ang tinangkang gawin kundi baguhin ang porma ng pamahalaan.
Malinaw ayon kay Romualdez na nabigo si Duterte pero ngayon na ang taong-bayan na ang kumikilos para sa charter amendments na may pag-asang magtagumpay ay siya namang sinisiraan nito.
Banat pa ni Romualdez, binudol-budol lamang ni Duterte ang taong-bayan dahil wala naman talaga siyang ginawang maayos gaya ng isyu sa droga na tatapusin sa loob ng tatlong buwan, subalit anim na taon na ang lumipas ay marami pa ring droga kahit na libu-libo ang pinapatay.
Sa panulat ni Ed Sarto, DZME News