Inihayag ni Vice President Sara Duterte na walang papel si Speaker Martin Romualdez sa pagtakbo nito sa pagka-bise-presidente noong 2022 at isa rin aniyang kasinungalingan ang sabihing malaki ang ambag ni Romualdez sa pagkapanalo nito sa puwesto.
Binigyang diin ng pangalawang pangulo na si Senador Imee Marcos umano ang humikayat sa kanya na tumakbo at ang desisyon ay sinelyuhan makaraang sumang-ayon si Pangulong Bongbong Marcos sa mga kondisyong itinakda niya bago tumakbo bilang VP.
Ginawa ni VP Sara ang pahayag matapos sabihin ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga na napakinabangan ni Inday ang liderato ng Kamara, kasunod ng isyung pagpapatalsik kay Romualdez bilang House Speaker.
Samantala, sa isang pahayag, pinuri ni Barzaga ang hindi pagpatol ni Romualdez sa mga patutsada ng Bise Presidente na nagpapakita umano ng malakas na karakter. —sa panulat ni Joana Luna