dzme1530.ph

Speaker Dy, pinasalamatan si PBBM sa pagpirma ng EO 100 at 101

Loading

Pinasalamatan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa inilabas nitong Executive Order Nos. 100 at 101.

Ayon kay Dy, patunay ang mga direktibang ito na nauunawaan ng Pangulo ang mga hamon na kinakaharap ng mga magsasaka at mangingisda.

Itinakda ng EO 100 ang pagpapatupad ng patas at makatarungang presyo ng palay, habang iniuutos naman ng EO 101 ang mahigpit na pagsunod sa implementasyon ng Sagip Saka Act.

Batay sa naturang batas, inaatasan ang lahat ng national at local government agencies na direktang bilhin ang mga produkto ng mga magsasaka at mangingisda, kabilang ang mga kooperatiba at agri-fishery enterprises.

Ayon kay Dy, nagbibigay ito ng bagong pag-asa sa mga nasa sektor ng agrikultura dahil mawawala na ang mga middleman, kaya’t masisiguro ang tamang kita ng mga magsasaka at mangingisda.

Bago ilabas ang dalawang executive order, pinulong ni Dy sina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Senador Kiko Pangilinan upang talakayin ang mga probisyon ng kautusan.

Nangako rin ang Speaker na agad na tutugunan ng Kamara ang mga kinakailangang batas para sa Department of Agriculture, lalo na yaong mga kabilang sa mga prayoridad ng LEDAC.

About The Author