dzme1530.ph

SP Sotto, tiwalang mareresolba na ang deadlock sa bicam meeting ukol sa 2026 national budget

Loading

Tiwala si Senate President Tito Sotto na mareresolba na ang deadlock sa bicameral conference committee na tumatalakay sa pambansang budget.

Ito ay dahil aamin na anya si DPWH Sec. Vince Dizon na nagkamali siya sa computation na naging batayan ng P45 bilyong tapyas sa panukalang 2026 budget ng ahensya.

Ayon kay Sotto, nakatanggap siya ng mensahe sa WhatsApp na nagda-draft na si Dizon ng liham upang humingi ng paumanhin at aminin na siya ang nagkamali sa computation.

Sinabi ni Sotto na kung walang ganitong pag-amin, mananatiling deadlock ang Senado at Kamara at hindi uusad ang pagtalakay sa 2026 national budget.

Una rito, personal na umapela si Dizon sa bicameral conference committee upang ibalik ang P45 bilyon na tinapyas ng Senado sa hinihinging budget ng DPWH para sa susunod na taon.

Kakapusin sa pondo ang mahigit 10,000 infrastructure projects kung hindi maibabalik ang naturang halaga.

Ipinunto ni Dizon na nagkamali ang Senado sa pagtapyas ng pondo dahil ang dapat lamang bawasan ay ang halaga ng construction materials at hindi ang kabuuang halaga ng mga proyekto.

Nanindigan ang Senado na ang desisyong magbawas ay batay mismo sa computations na isinumite ni Dizon hinggil sa umano’y overpricing ng mga proyekto.

Ayon kay Sotto, sinunod ng Senado ang rekomendasyon ni Dizon na magtapyas upang maiwasan ang overpricing na posibleng pagmulan ng kickbacks.

 

About The Author