Kumpiyansa si Senate President Tito Sotto na hindi magiging dahilan ng kanyang pagkakatanggal bilang lider ng Senado ang nakatakdang pagbabalik ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.
Binigyang-diin ni Sotto na mismong ang mga kasamahan nila sa majority bloc ang nagnanais na bumalik si Lacson at ipagpatuloy ang pamumuno sa imbestigasyon kaugnay sa mga anomalya sa mga flood control projects.
Ginawa ni Sotto ang pahayag kasunod ng babala ni Lacson na maaaring mabawasan ng miyembro ang majority bloc at mawala kay Sotto ang Senate presidency kapag tinanggap nitong muli ang chairmanship.
Ayon kay Sotto, sanay na ito sa kalakaran sa Mataas na Kapulungan kaya’t wala siyang kinatatakutan.
Itinanggi at tinawanan rin ng Senate President ang impormasyong naging “pangsalba” sa kanyang posisyon ang pagbibitiw ni Lacson noong Oktubre 6.
Dagdag ni Sotto, matindi lamang ang naging frustration ni Lacson dahil sa mga kritisismong natanggap nito mula sa kapwa senador kaya napilitan itong bumitiw noon.