Walang nakikitang indikasyon si Senate President Francis “Chiz” Escudero mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagsasagawa ng special session upang talakayin ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Nilinaw din ni Escudero na wala siyang natatanggap na anumang hiling mula sa proponents o opponents ng impeachment.
Subalit kung mismong ang Punong Ehekutibo aniya ang magpapatawag ng special session ay wala naman silang magagawa kundi ang dumalo at gawin ang kanilang trabaho.
Ngunit kung siya aniya ang tatanungin wala siyang nakikitang dahilan para humiling ng special session kasabay ng paalala na ang mga nakaraang impeachment cases ay hindi naman minadali.
Hindi aniya espesyal si Vice President Sara Duterte at hindi rin espesyal ang posisyon ng Vice President na kailangang madaliin ang kaso.
Binigyang-diin ng senate leader na pare-pareho lamang ang kanilang pagtingin sa mga impeachable officers na sa ilalim ng Konstitusyon ay dapat tratuhin din ng pare-parehas—walang labis, walang kulang, walang nakakalamang at walang naaapi.
Muling binigyang-diin ni Escudero na hindi nila mamadaliin ang impeachment subalit hindi rin aniya nila ito iaantala.