Walang deadlock sa sitwasyon ngayon sa pagitan ng Senado at Kamara kaugnay sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang binigyang-diin ni Senate President Francis Escudero makaraang tanggihan ng Kamara na tanggapin ang ibinalik na articles of impeachment.
Una nang hindi pinapasok sa mga tanggapan sa Kamara si Senate Sgt at Arms Roberto Ancan na magsisilbi sana ng kautusan ng impeachment court kaugnay sa pagpapabalik nila ng articles of impeachment.
Muling iginiit ni Escudero na ang Senado bilang impeachment court ay hindi na kapantay ng Kamara na tumatayong prosecution panel sa impeachment case ng bise presidente.
Kaya maaari aniyang utusan ng impeachment court ang kamara tulad ng pagsusumite ng pleadings.
Muli ding itinanggi ni Escudero na maaantala ang impeachment trial, at dinidribol nila ang proceedings dahil sa kanilang naging hakbang.
Iginiit ni Escudero na ang pinaka magagawa lamang talaga ng impeachment court sa pagtatapos ng 19th Congress, ay mag-issue ng summons na kanila namang natapos.