dzme1530.ph

SP Escudero, nanindigang tatawid sa 20th Congress ang impeachment trial laban kay VP Sara

Loading

Nanindigan si Senate President Francis “Chiz” Escudero na maaaring tumawid sa 20th Congress ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.

Gayunman, sinabi ni Escudero na wala ring makapipigil sa mga senador na miyembro ng 20th Congress na talakayin muli ang ligalidad ng pagtawid ng proceedings.

Nasa kamay din aniya ng mayorya ng mga senador sa 20th Congress ang pagdedesisyon kung itutuloy ang trial.

Ipinaliwanag ng senate leader na hindi naman sila maaaring bumuo ng mga regulasyon o gumawa ng anumang aksyon na magtatali sa kamay ng mga miyembro ng 20th Congress.

Binigyang-diin ni Escudero na lahat ng posibilidad ay maaaring mangyari sa 20th Congress pero kung ang pag-uusapan ay ang normal na hakbangin ay dapat na ituloy sa 20th Congress ang impeachment trial.

Pero sa huli, kung anuman may mga tutol aniya sa anumang pagpapasya ng Senado ay maaari naman itong idulog sa Korte Suprema upang makapaglabas ng ruling ang mga mahistrado.

Bagama’t iniatras sa June 11 ang pagbabasa ng articles of impeachment sa open session, sinabi ni Escudero na tuloy pa rin sa July 30 ang pagsisimula ng impeachment trial.

About The Author