dzme1530.ph

SP Escudero, nanindigang SC lang ang makapagsasabi kung labag sa konstitusyon ang aksyon ng impeachment court

Loading

Korte Suprema lamang ang maaaring magdeklara kung labag sa batas ang anumang aksyon ng impeachment court na dumidinig sa mga alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang iginiit ni Senate President Francis Escudero bilang tugon sa mga kritisismo na labag sa konstitusyon ang naging pasya nilang ibalik sa Kamara ang articles of impeachment.

Iginiit ni Escudero na sinumang may reklamo sa naging pagpapasya ng impeachment court ay malayang makakadulog sa Korte Suprema.

Kasabay nito, kinumpirma ni Escudero na wala pa silang natatanggap na pormal na komunikasyon mula sa Kamara kaugnay sa resolution na nagpapatibay na walang nilabag na anumang batas ang mga kongresista sa inihaing verified impeachment complaint.

Sinabi ni Escudero na ngayong nabuo na ang impeachment court, lahat ng komunikasyon ay dapat idinadaan na sa pleading sa korte at hindi sa press release o press statement.

Umapela naman ang senate leader sa mga kongresista na igalang ang naging kautusan ng impeachment court na tulad ng pagrespeto niya sa sariling proseso ng Kamara.

About The Author