Kumbinsido si Senate President Francis Escudero na may iba pang personalidad na tumulong kina dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo sa kanilang pagtakas palabas ng bansa.
Sinabi ni Escudero na maaaring may iba pang opisyal ng gobyerno bukod sa mga opisyal ng Bureau of Immigration ang tumulong sa dating akalde at mga kasama nito noong tumakas sa bansa.
Iginiit ni Escudero na dapat mapanagot ang sinumang dayuhan o non-Filipino actor na tumulong sa kanilang pagtakas kabilang na ang isinulat nito sa papel sa pagdinig kahapon.
Kahit pa sinasabing nasa labas na ng bansa ang mga hindi Pinoy na tumulong sa pagtakas nina Alice Guo, iginiit ni Escudero na hindi ito dapat makapigil sa ating pamahalaan para sila ay panagutin.
Una nang sinabi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na may impormasyon na nasa Taiwan na ang sinabi ni Alice Guo na taong nagfacilitate sa pagsakay nila sa yate para makalabas ng bansa.
Iginiit din ni Escudero na dapat tutukan ang paghabol sa mga financier at mga boss ni Alice Guo.
Samantala, pinuri ni Escudero si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil agad itong umaksyon laban sa nakitang nagpabaya kaya nakatakas sina Alice Guo.
Idinagdag ng senate leader na ang pagsibak kay Immigration Commissioner Norman Tansingco ay pagtupad ng Pangulo sa kanyang inihayag sa publiko na may ulong gugulong sa pagtakas ng dating alkalde at mga kasamahan nito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News