Kung si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III ang tatanungin, kulang sa sustansya at impormasyon ang ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sinabi ni Pimentel na maraming isyu ang hindi nabanggit ng Pangulo sa kanyang ulat sa bayan.
Pinuna ng Senate Minority Leader ang hindi pagbanggit ng Presidente sa umento sa sahod o kahit man lang ang National Legislated Minimum Wage.
Bukod dito, wala ring kalinawan sa isyu ng West Philippine Sea at ang tanging nabanggit ay poprotektahan ang sovereign rights at territorial integrity ng bansa.
Umasa rin si Pimentel na kasama sana sa naipaliwanag ng Pangulo ang dagdag na apat na sites ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), isyu sa pagpapatuloy sa mga Afghan refugees, ang napapadalas na sightings ng mga US military aircraft sa loob ng bansa at tungkol sa mga kinasangkutan ng mga POGO.
Hinamon naman ni Pimentel ang mayorya sa Senado na kausapin ang Pangulo at payuhan na tuluyan nang ipatigil ang operasyon ng mga POGO sa bansa.