“Ang magandang SONA hindi lang nag-uulat pero nagmumulat, at nanggugulat din.”
Ito ang inihayag ni Senador Francis ‘Chiz’ Escudero kasabay ng paggiit na hindi lamang puro magandang balita at sa halip ay haluan din ng mapait na katotohanan ang talumpati ng Pangulo.
Sinabi ni Escudero na bagama’t dapat ipagmalaki ng Pangulo ang kanyang tagumpay, kailangang tapusin nito ang kanyang ikalawang SONA na nananawagan sa taumbayan na magsikap para sa magandang kinabukasan.
Ipinaalala ni Escudero na ang SONA ay hindi dapat puro happy pills at sa halip ay dapat samahan ng mapait na gamot na dapat lunukin para sa solusyon sa mga problema sa bansa.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na ang kailangan ng bansa ngayon ay isang SONA na nagmumulat, at nanggugulat.
Nanggugulat sa mga problema na kinakaharap ng bansa kasabay ng paglalatag ng mga solusyon at pagbabanta kung hindi aaksyunan.
Wala anyang dapat ipag-alala ang Pangulo dahil kaya naman ng taumbayan na marinig ang katotohanan dahil batid ng publiko na ang SONA na ang laman lang ay magandang balita ay umiiwas sa paglalarawan ng buong katotohanan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News