Ipinauubaya ni Solicitor General Menardo Guevarra kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung mananatili pa siya bilang top lawyer ng pamahalaan.
Tugon ito ni Guevarra matapos hingan ng komento sa sinabi ng Malakanyang na dapat niyang i-assess ang kanyang sarili kung kaya pa niyang gampanan ang tungkulin bilang Solicitor General.
Kasunod ito ng pag-inhibit ng Office of the Solicitor General (OSG) mula sa mga petisyong inihain ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na humihiling na palayain at ibalik sa bansa ang kanilang ama mula sa The Hague, Netherlands.
Tumanggi ang OSG na katawanin ang mga opisyal ng pamahalaan, sa dahilang posibleng hindi nito epektibong magagampanan ang tungkulin sa mga naturang kaso bunsod ng matibay na paninindigan na walang hurisdiksyon sa Pilipinas ang International Criminal Court.