Nanindigan si Solicitor General Menardo Guevarra sa harap ng Supreme Court na hindi labag sa Saligang Batas ang paglilipat ng ₱89.9-Billion na sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa National Treasury.
Sa oral arguments, tinukoy ni Guevarra ang special provision sa General Appropriations Act of 2024 at circular ng Department of Finance, kung saan pinapayagan na ibalik ng government-owned and -controlled corporations sa Treasury ang excess o idle funds para pondohan ang unprogrammed appropriations.
Sinabi ng SolGen na ito ay “common-sense approach” ng pamahalaan upang pansamantala ay mayroong mahuhugot na pondo para sa priority programs ng national government.
Idinagdag ni Guevarra na paraan ito ng Executive at Legislative departments sa paglikha at pagpapatupad ng fiscal policy upang palakasin ang economic growth nang hindi kailangang pahirapan ang taumabayan sa pamamagitan ng panibagong tax measures.