Naniniwala ang isang retiradong mahistrado ng Korte Suprema na kailangan nang sibakin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Solicitor Menardo Guevarra.
Dahil ito sa pagtanggi ng SolGen na katawanin ang government agencies sa petisyong inihain sa Supreme Court kaugnay ng pag-aresto at pagdadala kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.
Inihayag ni dating Senior Associate Justice Antonio Carpio na ang manifestation na inihain ni Guevarra ay taliwas sa posisyon ng gobyerno ng Pilipinas na ang pag-aresto kay Duterte ay isinagawa, alinsunod sa Republic Act 9851.
Aniya, napakasama ng nangyari dahil sinabi ni Guevarra na walang hurisdiksyon ang ICC sa bansa, at tila pinalalabas na mali ang pamahalaan na kanyang pinaglilingkuran.
Idinagdag ni Carpio na maaaring gamitin din ng kampo ni Duterte ang recusal ng SolGen para maghasik ng panibagong intriga laban sa administrasyon.