Nangako ang concessionaire ng NAIA Public-Private Partnership project na San Miguel Corporation (SMC), na magiging ubod na ng linis ang paliparan.
Ito ay sa harap ng kontrobersiya sa mga pesteng surot at daga sa NAIA.
Sa ambush interview sa signing ceremony ng P170.6-billion concession agreement sa Malacañang, inihayag ni SMC President at Chief Executive Officer Ramon Ang na magiging saksakan na ng linis ang NAIA bago mag-Holy Week sa susunod na taon.
Ibinahagi rin nito ang planong pagtatayo ng bagong passenger terminal na magde-decongest sa NAIA Terminals 1, 2, at 3.
Samantala sa problema naman ng traffic, sinabi ni Ang na itatayo rin ang isang bagong kalsada na direktang magko-konekta sa Skyway, NAIA Expressway, at NAIA Terminal 3, at mula sa Skyway ay makakarating na umano ang isang biyahero sa Terminal 3 sa loob lamang ng sampung minuto.
Una nang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sa halip na maging red carpet ay nagmistulang maruming basahan ang NAIA para sa mga turista at bisita ng bansa.