Natatakot si Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ideya ng pagkaka-kompromiso o pagkakalagay sa alanganin ng teritoryo, soberanya, at sovereign rights ng Pilipinas, sa sinasabing “gentleman’s agreement sa China.
Sa ambush interview sa San Juan City, inihayag ng Pangulo na mahirap sundan ang sinasabing agreement kung sa ilalim nito ay kailangang humingi ng permiso sa ibang bansa para gumalaw sa sarili nating teritoryo.
Kasabay nito’y nanindigan si Marcos na wala siyang alam sa secret agreement, dahil wala itong documentation at record, at hindi ito natalakay sa kanya nang siya ay umupo bilang pangulo.
Sinabi rin nito na iba-iba ang sinasabi ng mga opisyal mula sa nagdaang administrasyon kaugnay ng sinasabing kasunduan.
Mababatid na ipinalutang ni Former Presidential Spokesman Harry Roque na ang mga agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea ay bunga umano ng hindi pagsunod ng Pilipinas sa gentleman’s agreement.