Kinumpirma ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na isinasakatuparan na nila ang dredging, desilting at pagtatayo ng floodway project upang solusyunan ang matinding pagbaha sa Pampanga at Bulacan.
Sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan sa Senado na mismong si Pangulong Bongbong Marcos na ang nag-atas sa kanila na bukod sa permanent long-term solution ay hanapan din ng short-term o agarang solusyon ang matinding pagbaha sa Bulacan.
Ipinaliwanag ni Bonoan na mababaw na ang mga ilog sa Pampanga at Bulacan kaya’t kapag umulan ay hindi na kinakaya ng kapasidad ng mga ito ang dami ng tubig kaya ang nangyayari ay umaapaw ito at binabaha ang mga kalapit na lugar.
Sinabi ni Bonoan na ang immediate action o solusyon na ng ahensya ay dredging at desilting ng ilog para makadaloy ang tubig kahit malakas ang ulan.
Idinagdag pa ni Bonoan na kasado na sa susunod na taon ang major major flood control project na Central Luzon Pampanga River Floodway at San Antonio Swamp Ring Dike na inaasahang makakatugon sa problema sa pagbaha sa Pampanga at Bulacan.
Ang floodway project ay 60 kilometer ang haba at 400 metro ang lawak na popondohan ng Asian Development Bank (ADB).
Sa ngayon ang nasabing proyekto ay inaayos na lang ang financing sa ADB at nagsasagawa na rin ng detail engineering design at target nang ipatupad sa susunod na taon. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News