dzme1530.ph

Shiela Guo, kinumpirmang kasama sina Alice at Wesley Guo nang umalis sa bansa

Nagbigay na ng ilang detalye ang kapatid ni Alice Guo na si Sheila Guo kung paano sila nakalabas ng bansa.

Sa pagdinig ng Senado kaugnay sa pagtakas nina Guo, kinumpirma ni Sheila na magkakasama sila nina Alice at Wesley nang umalis ng bansa.

Sa pagtatanong ng mga senador, sinabi ni Sheila na sinundo sila ng isang van mula sa kanilang farm sa Tarlac at bumiyahe sila ng may limang oras patungo sa isang lugar kung saan naman sila sumakay ng bangka.

Bumiyahe ang bangka ng ilan pang oras bago lumipat sa isa pang barko na sa deskripsyon ni Sheila ay isang fishing ship, bago lumipat uli ng isa pang maliit na bangka.

Sa teorya naman ng National Bureau of Investigation, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago, na posibleng sa Bongao, Tawi-tawi dumaan ang tatlo sa pamamagitan ng pagsakay ng speed boat na bumiyahe ng apat hanggang anim na oras hanggang Sabah, Malaysia.

Sa panig naman ng PAOCC, sinabi ng tagapagsalita nito na si Winston Casio na huling sightings nila kay Alice Guo sa isang resort sa Emon Pulo sa Cabanggan, Zambales noong July 14.

Sa impormasyon ng PAOCC, umalis sa resort ang grupo ng alkalde lulan ng dalawang speed boat.

Sinabi ni Casio na kasunod nilang impormasyon ay nasa Denpasar, Indonesia na sina Guo noong July 17 at lumipad patungong Malaysia noong July 18.

Subalit sa huli, inamin ni Casio na posibleng may mali sa kanilang impormasyon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author