dzme1530.ph

Senior high student, arestado matapos maaktuhang humihithit ng marijuana sa campus

Inaresto ang isang 18 anyos na estudyante ng Sauyo High School sa Quezon City matapos maaktuhan na gumagamit ng marijuana.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director Brig. Gen. Nicolas Torre III, nahuli ng isang security guard at mga guro sa naturang paaralan ang suspek dakong alas-7:30 ng gabi matapos silang makatanggap ng tip na may nagaganap na pot session sa campus.

Dito na namataan ang estudyante sa fire exit ng isa sa mga gusali na may hawak na isang glass pipe tube na napag-alamang may latak ng marijuana.

Narekober din sa suspek ang 10 gramo ng marijuana na inilagay sa apat na plastic sachet na nagkakahalaga ng P1,200.

Itinurn-over na ang naturang estudyante sa QCPD Station 3, kung saan siya nakakulong dahil sa drug charges. —sa panulat ni Jam Tarrayo

About The Author