dzme1530.ph

Senior Citizen, inaresto sa NAIA T3 matapos makuhanan ng illegal na baril

Inaresto ng mga tauhan ng PNP Aviation Security Group ang isang pasaherong senior citizen matapos makuhanan ng illegal na baril sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Batay sa ulat ng NAIA Police Station 3, Aviation Security Unit-NCR, tinangka ng 70-anyos na pasahero na magdeposito ng Cal. 22 Pistol na may isang magazine assembly at isang Cal. 45 Thompson Pistol na naglalaman ng tatlong piraso ng magazine at 20 basyo ng bala, bago umalis patungong probinsiya.

Sa pag-verify, napag-alaman na hindi tumugma ang Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) sa serial number ng mga baril at tila pinakialaman ang serial number.

Ito ang nag-udyok sa Duty Firearms Facilitator na arestuhin ang nasabing hindi na pinangalanang pasahero.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng NAIA Police Station 3 ang suspek para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso, habang ang mga nasamsam na baril at bala ay gagamitin bilang suportang ebidensya laban sa kanya.

About The Author