Kinumpirma ni House Speaker at Lakas-CMD President Ferdinand Martin Romualdez, na bubuo ng 12-senatorial lineup at full slate para sa 2025 midterm elections ang Lakas at PFP.
Kasunod ito ng opisyal na pagsasanib pwersa ng Partido Federal ng Pilipinas, ang partido ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. at LAKAS-Christian Muslim Democrats ni Romualdez.
Sa talumpati ni Speaker Romualdez, sinabi nito na kasabay ng pagsasanib ng Lakas-CMD at PFP, inilulunsad rin ang “Alyansa para sa Bagong Pilipinas.”
Aniya hindi lang ito simpleng political union dahil kinakatawan ng alyansang ito ang pag-unlad, kagalingan ng mga Pilipino, at pagsilang ng gobyernong ang pundasyon ay integridad, transparency, accountability at inclusivity.
Ang Lakas na may 100-strong members sa Kamara at PFP na ang karamihan sa kasapi ay local executives ang siya nang pinakamalaking political alliance ngayon.
Bukod kay Romauldez at South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo, Jr. bilang PFP President, nagsilbing witness si PBBM, present din si Lakas Chairman Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr., Majority Leader Manuel “Mannix” Dalipe, Jr., Lakas-CMD executive vice president, Special Assistant to the President Sec. Anton Lagdameo, PFP executive vice president, at Senior Deputy Majority Leader Alexander Ferdinand Marcos, vice chairman ng PFP.