Nanindigan ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial bets na tama ang naging aksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang mga isyu laban sa Prime Water Infrastructure Services Corporation.
Sa press briefing sa Lucena City, sinabi ni ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo na kung ituturing na politically motivated ang isyu at hindi dapat aksyunan, paano tutugunan ang reklamo ng mga residenteng sineserbisyuhan ng Prime Water partikular ang mga lalawigan ng Albay, Pampanga, Quezon at Bulacan.
Sinabit ni Tulfo na dapat makinig ang gobyerno sa mga reklamo dahil magiging mas masama ang timpla kung hindi kikilos ang pamahalaan dahil ka-alyansa ang nasasangkot.
Imposible aniyang hindi nakakarating sa Malakanyang ang kaliwa’t kanang problema sa tubig kasabay ng paalala sa lahat na water is life kaya’t hindi dapat payagan na may kalawang o kontaminado ang tubig na gagamitin sa mga bahay.
Iginiit naman ni dating DILG Sec. Benhur Abalos na kung ang tao ay nagbabayad ng maayos subalit hindi maayos ang serbisyong natatanggap ay hindi ito makatarungan sa lahat at malaki itong problema na dapat tugunan.
Nagkakaisa namang sinabi nina dating Sen. Panfilo Lacson at Tito Sotto na anumang problema kaugnay sa pangunahing pangangailangan ay dapat na agad na tinutugunan.
Binigyang-diin ni Lacson na responsibilidad ng gobyerno na maging transparent sa mga kilos nito kaugnay sa pagtiyak ng maayos na serbisyo.
Mas mabuti aniyang may ginagawa ang gobyerno kaysa naman hindi umaaksyon.