dzme1530.ph

Senate Spouses, nagbigay ng ayuda sa mga biktima ng Bagyong Carina

Umayuda na rin ang Senate Spouses Foundation Inc. (SSFI) sa mga biktima ng Super Typhoon Carina sa Marikina City.

Pinangunahan nina SSFI President Heart Evangelista-Escudero at Special Envoy to UAE Kath Yu-Pimentel katuwang ang mga lokal na opisyal ng Marikina City ang pagbibigay ng tulong sa 2,600 residente ng lungsod na apektado ng kalamidad.

Nasa kabuuang 472 na pamilya na nananatili sa Sto. Niño Elementary School ang napagkalooban ng relief goods na kinabibilangan ng bigas, canned goods, Vitamin C tablets at iba pang essential needs.

Nagkaloob din ang SSFI ng sleeping kits, toiletries at sa mga kababaihan naman ay hygiene kits.

May mga ipinamahagi rin na balde na naglalaman ng mga cleaning materials na maaaring magamit ng mga evacuees sa paglilinis ng kanilang mga tahanan na nalubog sa baha.

About The Author