Kinumpirma ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na buo na ang rules nila na gagamitin sa pagtalakay sa economic charter change sa sandaling mailatag na ito sa plenaryo.
Sinabi ni Villanueva na siya ring chairman ng Senate Committee on Rules na ihaharap nila sa mga senador ang binuo nilang mga panuntunan sa pagbabalik ng sesyon sa Abril 29.
Hindi naman muna idinetalye ni Villanueva ang magiging patakaran subalit kinumpirmang kasama dito ang hiwalay na voting ng Kamara at Senado.
Ipinaliwanag ng senador na palalagdaan niya muna sa mga miyembro ng Committee on Rules ang mga patakaran bago ito isapubliko.
Kasabay nito, kinumpirma ni Villanueva na kasama sa rules ang pagkakaroon nila ng special attire kapag tinalakay na ang resolusyon sa plenaryo.
Layun ng special outfit na maging klaro na hindi lamang sila simpleng mambabatas sa pagtalakay ng resolusyon bagkus binubuo nila ang pag-amyenda sa konstitusyon.
Nakatakda rin muna silang magkaroon ng all members caucus sa pagbabalik ng sesyon para pag-usapan ang mahahalaga nilang panukalang nakabinbin sa kanilang hanay.