NAMAGITAN si Senador Alan Peter Cayetano, bilang pinuno ng subcommittee ng Senate Blue Ribbon sa banggaan ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources at ng Blue Star Construction Corporation kaugnay sa kinanselang kontrata para sa proyekto sa Masungi Georeserve sa Tanay, Rizal na isang protected area.
Ipinag-utos din ni Cayetano ang pagbuo ng technical working group at itinalaga ang kinatawan ng DENR at ng korporasyon upang mag-usap sa harap ng team ng Senado.
Ito ay makaraang mabatid na walang nangyari sa dayalogo bago kanselahin ang kontrata ng Blue Star.
Sa pagdinig sa Senado, inamin ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga na tumanggi na siyang makipag-usap sa Blue Star.
Ikinatwiran ng kalihim na mayroon nang legal issue dahil sa demand ng korporasyon na bayaran sila ng P800 million para sa mga ginawa sa Masungi bukod pa sa may mga maiimpluwensyang tao ang ginamit sa pakikipagnegosasyon.
Idinagdag ng kalihim na nakakapagduda na ang motibo kapag may political influence na ginagamit kasabay ng paggiit na hindi rin sya nagpapadala sa pressure ng social media campaign ng korporasyon.
Ipinaliwanag ni Loyzaga na kinansela ang supplemental agreement ng Blue Star para sa development at housing complex sa 300 ektaryang bahagi ng Masungi makaraang matuklasang wala itong Presidential Proclamation, hindi nagkaroon ng bidding, walang substantial performance at nagtayo ng mga pasilidad nang walang permit at clearance.
Sinabi naman ni Billie Dumaliang, kinatawan ng Blue Star na sa media na lamang nila nalaman ang kanselasyon ng kasunduan
Ibinalik din nila ang sisi sa DENR kung bakit hindi pa matayo ang housing projects dahil hindi pa nalilinis ang lugar sa mga illegal claimants at occupants.