Nilinaw ni Sen. Imee Marcos na wala silang family feud nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos at maging sa kanyang pinsan na si House Speaker Martin Romualdez.
Ito ay kasunod ng kanyang muling pasaring kay Romualdez at panawagan pa sa mga kongresista na palitan na ito sa puwesto.
Iginiit ng senadora na wala silang away ng kanyang mga kaanak at isyu lamang talaga sa pulitika at prinsipyo ang kanilang kinasasangkutan.
Pabiro pang sinabi ng mambabatas na sa ngayon ay marami siyang apelyido tulad ng Marcos at Duterte subalit ayaw muna niyang gamitin ang Romualdez kasabay ng paghingi ng paumanhin sa kanyang ina.
Sa kanyang explanation of vote sa pag-archive sa impeachment case, iginiit na political ambition ang dahilan sa tangkang pagpapatalsik sa bise presidente kasabay ng panawagan sa mga kongresista na huwag kunsintihin ang aniya’y spoiled na bondying.
Sinabi ng senador na nabanggit din niya ang panawagang palitan ang Speaker dahil may matinding ugong na maraming nag-abang ng basbas ng Malacañang para maiba na ang lider ng Kamara.