Nangako si Senate President Francis Chiz Escudero na isusulong nila ang mga panukalang magpapalakas sa posisyon ng Pilipinas sa West Philippine Sea at ang pagpapalakas ng hukbong sandatahan ng bansa.
Sinabi ni Escudero na kabilang sa tututukan ng Senado upang mapahupa ang tensyon sa ating teritoryo ay ang Maritime Zones Bill at Establishing Archipelagic Sea Lanes.
Naniniwala si Escudero na ang mga panukalang ito ang makakatulong para mapalakas ang ating legal claims sa West Philippine Sea at magkaroon ng mga kagamitan para sa pagdipensa ng Armed Forces of the Philippines.
Maaari rin anyang mapahupa ang tensyon sa pamamagitan ng mutual action o initiative sa pagitan ng executive branches ng Pilipinas at China lalo na’t ang “head of state” o ang Pangulo ang itinuturing na chief architect ng foreign policy ng bansa.
Tinukoy naman ni Sen. Loren Legarda na mahalaga rin sa isyu ng West Philippine Sea ang Blue Economy Act na tumutukoy sa syensya ng pangangasiwa sa karagatan, mga yamang dagat, rehabilitasyon at paano ito mapapakinabangan sa mahabang panahon.
Sa panig ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, itutulak niya ang mga panukala na makakatulong upang mapahusay pa ang diplomatic skills at sapat na pagpopondo partikular sa Department of Foreign Affairs.