Kinumpirma ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na pag-uusapan pa ng mga senador kung may pangangailangan pang imbestigahan ang sinasabing gentleman’s agreement sa pagitan ni dating pangulong Rodrigo Duterte at gobyerno ng China kaugnay sa West Philippine Sea.
Sinabi ni Villanueva na muli nilang pagpupulungan ang usapin makaraang hindi ito maresolba sa kanilang caucus noong Martes ng gabi dahil hindi nakadalo si Sen. Risa Hontiveros.
Si Hontiveros ang naghain ng resolusyon na humihiling ng pagsisiyasat sa sinasabing kasunduan.
Kinumpirma ng majority leader na may strong reservations o pag-aalinlangan ang ilang senador kung may sapat na pagbabatayan ang imbestigasyon at kung anong kumite ang posibeng manguna rito.
Sa plenary session, inamin ni Villanueva na siya mismo ay may pag-aalinlangan sa pagtalakay sa usapin dahil wala namang katibayang maipakita kung mayroon ngang kasunduan.
Itinanggi na rin aniya ng dating pangulo ang umano’y gentleman’s agreement at kung mayroon man ay narevoke na ito ng kasalukuyang administrasyon.
Naniniwala si Villanueva na propaganda lamang ng China ang sinasabing kasunduan upang mahati-hati ang mga Pilipino.
Iginiit naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na mas makabubuting irefer na lamang sa tamang kumite ang resolusyon at nasa kamay na ng pinuno nito kung itutuloy ang pagsisiyasat.