Nag-isyu ang Senate Blue Ribbon Committee ng subpoena upang dumalo susunod na mga pagdinig ang mga dating namuno sa Land Transportation Office (LTO), iba pang mga opisyal at mga pribadong kumpanyang may kaugnayan sa kinukwestiyong Information Technology (IT) project ng ahensya.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, nadismaya ang mga senador nang hindi sila makakalap ng sapat na impormasyon dahil absent ang ilang dating LTO chief at iba pang resource person, kasama na ang kontraktor ng LTO para sa IT deal – ang Dermalog.
Napag-alaman na nasa Germany ngayon ang mga opisyal ng Dermalog at nagpadala lang sila ng kanilang legal counsel sa pagdinig.
Binalaan pa ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino ang legal counsel ng Dermalog na maaari siyang ipa-cite in contempt kung hindi pa rin makadadalo ang kanyang mga kliyente sa susunod na hearing.
Nag-ugat ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa 2021 report ng Commission on Audit (COA) kaugnay sa umano’y ‘undue payment’ na ginawa ng LTO sa Dermalog sa kabila ng hindi pa kumpletong turnover ng mga ito ng higit P3-B Road IT Infrastructure Project. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News