dzme1530.ph

Senado, nagdoble ng seguridad kasunod ng bomb threat

Kinumpirma ni Senate President Francis Escudero na nakatanggap ang Senado ng bomb threat sa pamamagitan ng kanilang social media account.

Ito ang dahilan ng matinding paghihigpit sa seguridad ngayon sa paligid ng compound ng Senado.

Sinabi ni Escudero na bagamat hindi nila ikinukunsiderang credible at seryoso ang banta, kinakailangan pa ring magpatupad ang Office of the Senator Sgt-At-Arms ng kinakailangang precautionary measures.

Bukod sa mga nakabantay na tauhan ng Philippine Marines at Senate Sgt-At-Arms, nakabantay din at nagsasagawa ng mahigpit na inspeksyon ang mga tauhan ng Pasay PNP sa mga papasok na sasakyan sa Senate Compound.

Sinabi ni Senate Sec. Renato Bantug na may mga na-post sa kanilang FB Page kaugnay ng bomb threat.

Pinaniniwalaan naman na prankster lamang ito pero hindi pa rin nagpakakampante ang Senado.

Patuloy din naman ang imbestigasyon ng pulisya at ng OSSAA sa tinanggap na pagbabanta.  —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author