Aminado ang isang lider ng Senado na nakababahala ang lumalabas na iba’t ibang interpretasyon sa Maharlika Investment Fund Bill partikular mula pa sa mga opisyal ng mga ahensyang babalangkas ng Implementing Rules and Regulations nito.
Ito ang dahilan kaya ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, dapat bantayan nang maigi ang pagbalangkas ng IRR ng MIF sa sandaling maisabatas na ito.
Sinabi ni Villanueva na kung sakaling hindi masalamin sa IRR ang tunay na intensyon at adhikain ng mga mambabatas sa pagbalangkas ng batas ay paiiralin nila ang kanilang oversight function at ipatatawag ang mga bumalangkas ng regulasyon.
Muling iginiit ng senador na malinaw sa section 6 at 12 ng panukala na hindi papayagang magamit sa pamumuhan sa Maharlika Investment Corporation ang pension fund ng SSS, GSIS, OWWA, Philhealth, Pagibig at PVAO.
Ipinaalala rin ng mambabatas sa mga babalangkas ng IRR na tanging ang Kongreso ang may kapangyarihang mag-amyenda ng mga batas at hindi dapat mabaluktot ang tunay na adhikain ng mga binalangkas na batas sa pagbuo ng mga regulasyon para sa implementasyon nito. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News