dzme1530.ph

Senado, magsasagawa pa rin ng imbestigasyon sa ini-atras na travel guidelines ng IACAT

Kahit sinuspinde na ng Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang ipinalabas nilang bagong travel guidelines, ipagpapatuloy pa rin ng Senado ang kanilang imbestigasyon hinggil dito.

Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, posibleng sa susunod na linggo ay ikasa na ng Senado ang pagdinig tungkol dito upang alamin mismo sa IACAT ang mga batayan ng kanilang nabuong bagong travel guidelines lalo’t wala namang batas na susuporta para rito.

Sinabi ni Zubiri na nais malaman ng mga senador ang mga rason ng IACAT sa pagbuo ng patakaran para sa dagdag na mga dokumentong kailangang ipakita sa mga immigration officers bago payagang makalabas ng bansa.

Tatalakayin din sa pagdinig kung ano pa ang ibang solusyon ng gobyerno para tugisin ang mga illegal recruiters at human-trafficking syndicates at kung paano magkakaroon ng maayos na sistema na hindi makakahadlang sa karapatan ng mga Pilipino na makapaglakbay.

Sinabi pa ni Zubiri na ‘open hearing’ ang idaraos na imbestigasyon kaya umapela siya na kahit lima o hanggang sampu sa mahigit 32,000 na mga na-offload na pasahero ay makiisa sa Senado at ilahad ang kanilang naging karanasan sa immigration.

Muling binigyang diin ni Zubiri na bukod sa dagdag pahirap, dagdag gastos at hindi makatarungan ang mga bagong requirement ay maituturing din itong paglabag sa Anti-Privacy Law lalo na sa karapatan ng publiko na makabiyahe. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author