Kasabay ng mariing pagkondena, nananawagan ang ilang senador sa Department of Foreign Affairs (DFA) na ipatupad na ang kanilang mga rekomendasyon laban sa pambubully ng China sa Philippine Coast Guard at mga mangingisdang Pinoy.
Ito ay kasunod ng panibagong insidente ng pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa Philippine Coast Guard sa Ayungin Shoal.
Sinabi ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na ito ay panibagong “might vs. right” treatment kasabay ng pahayag na gusto lamang ng Pilipinas na makipagkaibigan subalit bakit anya mahirap mahalin ang China.
Katulad ni Zubiri, iginiit ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na dapat nang matigil ang pambubully na ito at hinikayat ang DFA na ipatupad ang mga inilahad nilang hakbangin sa kanilang Senate Resolution laban sa China kabilang na ang panawagan sa mga international community na himukin ang China na sundin ang 2016 arbitral ruling.
Sinabi naman ni Senador JV Ejercito na hindi dapat mapalampas ang panibagong bullying incident na ito na maituturing na insulto sa Pilipinas dahil sa patuloy na pagbibingi-bingihan ng China sa mga inilatag na diplomatic protest.
Pinakikilos din ni Senador Risa Hontiveros ang DFA sa panibagong insidenteng ito na paulit-ulit na anyang paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea at 2016 Arbitral Award. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News