Sinimulan na ng Senado ang paghahanda sa mga gagamitin para sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang kinumpirma ni Senate President Francis “Chiz” Escudero bagama’t may ilang buwan pa bago masimulan ang proper trial laban kay VP Sara.
Sinabi ni Escudero na nagka-canvass na sila ng supplier para sa robe, na sa pagtatanong nila ay nasa ₱6,000 hanggang ₱8,000 ang isa kaya papagawaan nila ng tig-dadalawang robe ang bawat senador.
Hindi na aniya saklaw ng Senado ang gastusin ng bawat senador sa dry-cleaning ng robes.
Hindi naman kinakailangang gumawa ng bagong trial stand dahil hindi pa anya kinakain ng anay ang ginamit sa impeachment proceedings kay dating Chief Justice Renato Corona.
Kahapon, ayon kay Escudero, ay nagsagawa na rin ng mock up preparation ang mga tauhan ng Senado kung saan ipinuwesto na sa plenaryo ang trial stand.
Inayos din ang layout ng plenaryo kung saan pupuwesto ang prosecution at defense team gayundin ang mga lamesa ng senator judges.
Sa tantiya ni Escudero, nasa ₱1-M ang gagastusin ng Senado para sa lahat ng gagamitin sa impeachment proceedings.