Posibleng sa susunod na linggo ay matanggap na ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang panukalang 2024 National Expenditure Program (NEP) mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Inihayag ito ni Senate President Juan Miguel Zubiri matapos opisyal na mai-turn over sa Kamara ang P5.768-T NEP mula sa DBM.
Sinabi pa ni Zubiri na target na ring masimulan ang mga pagdinig ng Senate Sub Committees on Finance sa mga panukalang budget ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ngayong buwan ng Agosto o sa Setyembre.
Base sa proseso, ang mga appropriations bills, gaya ng panukalang pambansang pondo ay una munang tinatalakay at inaaprubahan ng Kamara.
Matapos maaprubahan ng Kamara ang kanilang bersyon ng panukalang pambansang budget ay isusumite sa Senado at saka pa lang pwedeng talakayin ng Mataas na Kapulungan ang panukalang pondo sa plenaryo.
Sa ngayon, ayon kay Zubiri, ay wala siyang nakikitang magiging kontrobersiyal na item sa panukalang budget. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News