dzme1530.ph

Senado, hinimok na busisiin ang kahandaan ng bansa sa pagpasok ng AI

Nais ni Sen. Joel Villanueva na magsagawa ng pagdinig ang Senado sa kahandaan ng bansa sa pagpasok ng Artificial Intelligence.

Sa kanyang Senate Resolution no. 990, iginiit ni Villanueva na dapat matukoy ang mga dapat na hakbangin para matugunan ng local labor market ang epekto ng artificial intelligence.

Hinimok ng senador ang Department of Labor and Employment (DOLE), National Economic and Development Authority (NEDA) at iba pang government agencies na madaliin ang kahandaan at adaptability ng Philippine labor market sa AI upang maiwasan ang kawalan ng mga trabaho.

Sinabi ng chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resource Development na welcome sa kanya ang mga bagong technology upang mapadali ang buhay at mapalakas ang productivity.

Gayunman dapat anyang mag-double time ang DOLE at iba pang ahensya upang makapaghanda ang workforce ng bansa ng mga mahahalagang skills tulad ng critical thinking at problem solving.

Una nang sinabi ng DOLE na unang maapektuhan ng deployment ng AI ang “manual operations” sa iba’t ibang tanggapan.

Iginiit pa ni Villanueva, principal author at sponsor ng Trabaho para sa Bayan (TPB) Act at Philippine Digital Workforce Competitiveness Act na dapat maisama ng NEDA sa kanilang mga konsultasyon ang epekto sa mga industriya ng AI.

About The Author