Binusisi ng mga senador ang kahandaan ng Pilipinas sakaling sumiklab ang digmaan sa pagitan ng China at Estados Unidos dahil sa isyu ng Taiwan.
Partikular na tinalakay kung paano maililikas ang libo-libong overseas Filipino workers (OFWs) na nasa lugar.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos, iginiit ng senadora na dapat malinaw ang plano ng gobyerno para sa posibleng evacuation ng mga Pilipino.
Ipinaalala ng senadora na limitado ang mga barko at eroplano ng pamahalaan at wala ring nakalaang pondo para rito. Bukod dito, nagbabala si Marcos na maaaring malagay sa panganib ang mga OFW kung gagamitin ang mga barko ng Amerika, dahil posibleng targetin ng China ang mga ito.
Tiniyak naman ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW), at Manila Economic and Cultural Office (MECO) na may nakahandang contingency plan ang pamahalaan, ngunit humiling ito ng executive session para mailatag ang mas sensitibong detalye.
Batay sa datos ng DMW, nasa 169,000 ang OFWs sa Taiwan at karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa mga pabrika.
Aminado si MECO Chairperson Atty. Cheloy Garafil na kakaunti ang pondo para sa evacuation, ngunit tiniyak niya na may commitment ang gobyerno ng Taiwan na tutulong sa mga Pilipino. Nakahanda umano ang Taiwan na magbukas ng 89,000 shelters na may kapasidad para sa 40 milyon katao.