dzme1530.ph

Senado, balik na sa normal sa Lunes

Hindi na magpapatupad ng anumang restriksyon o paghihigpit kaugnay sa COVID-19 ang Senado sa pagbubukas ng 2nd regular session ng 19th Congress sa Lunes, July 24. 

Ayon kay Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri, hindi na mandatory ang antigen test sa mga kawani at maging sa mga bisita ng Senado at optional na rin ang pagsusuot ng face mask. 

Sa sesyon naman sa plenaryo, hindi na papayagan ang ‘virtual’ na pagdalo ng mga senador pero maaari naman silang humarap ‘virtually’ sa mga committee hearings. 

Nasa desisyon naman ng komite o mga senador kung papayagan ang ‘virtual’ na pagdalo ng mga resource persons na inimbitahan sa pagdinig. 

Inalis na rin sa session hall ang mga acrylic barriers pero may mga air purifiers pa rin sa loob ng plenaryo bilang dagdag proteksyon sa mga mambabatas at sa mga staff. 

Bukod dito, tinanggal na rin ang mga marker sa upuan sa session hall para sa social distancing at balik na rin sa dating hanay ang mga mesa ng mga senador. 

Sa kabila ng pagluluwag sa patakaran, mahigpit naman ang paalala ni Zubiri na kung may lagnat o masama ang pakiramdam ay makabubuting mag-isolate at magpatingin sa doktor upang matiyak na walang sakit na maaaring makahawa sa mga empleyado tulad ng COVID-19. –-sa ulat ni Dang Garcia, DZME News 

About The Author