Ibinalik na ang ilang mga sundalo sa pagbabantay sa Senado.
Kinumpirma ni Senate Sgt At Arms retired General Roberto Ancan na mula ngayong araw na ito ay naka-deploy na ang mga tauhan ng Philippine Marines Security and Escort Group sa lobby ng Senado, gayundin sa security outposts, parking area at buong compound ng Mataas na Kapulungan.
Pinalitan ng mga sundalo ang security unit ng Philippine National Police na maitatalaga pa rin naman sa labas ng Senate compound habang sa loob ay mananatili pa rin ang Senate Sergeant at Arms.
Sinabi ni Ancan na batay na rin ito sa direktiba ni Senate President Francis Escudero at sa pakikipag-ugnayan sa Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines.
Nilinaw naman ni Ancan na walang banta sa seguridad ng Senado kaya ibinalik ang mga tauhan ng Philippine Marines.
Partikular na binigyang-diin ni Ancan na walang kinalaman ang bagong security measures ay wala ring kinalaman sa imbestigasyon ng Senado sa mga iligal na POGO at sa inaasahang pagpapaharap sa Senado kay Kingdom of Jesus Christ Leader Apollo Quiboloy.
Magugunitang sa gitna ng pagpapatuloy ng pagdinig sa POGO operations ay nakatanggap ng death threats si Sen. Sherwin Gatchalian habang sa imbestigasyon laban kay Quiboloy ay maraming supporters ang nagsagawa ng rally sa gate ng Senado. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News