Handang-handa na ang Senado sa pagtutok sa mga priority bills at iba pang panukalang dapat talakayin sa pagbubukas ng 2nd regular session ng 19th Congress ngayong araw na ito.
Sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na committed sila sa kanilang pangako na tutukang maipasa hanggang Disyembre ngayong taon ang 20 priority bills na pinagkasunduan sa LEDAC meeting.
Kabilang sa target ipasa ang proposed Public-Private Partnership Act, na mag-aamyenda sa Republic Act No. 6957 o ang Build-Operate-Transfer (BOT) Law; ang pagbuo ng National Disease Prevention Management Authority; ang proposed Internet Transactions Act; ang pagtatatag ng Medical Reserve Corps at ng Virology Institute of the Philippines; ang revival ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Program; at ang panukala upang buhayin ang Philippines’ salt industry.
Sisikapin ding maipasa ang mga panukala na naglalayong i-streamline ang government transactions and services, partikular ang proposed Real Property Valuation and Assessment Reform Act; ang proposed E-Governance and E-Government Act; kasama ang Ease of Paying Taxes Act; ang National Government Rightsizing Act; ang Automatic Income Classification of Local Government Units; at mga panukala para sa Unified System for Separation, Retirement and Pension of Military and Uniformed Services; at ang New Philippine Passport Law.
Positibo rin si Zubiri na maipapasa na rin nila ang proposed Waste-to-Energy Act; Magna Carta of Filipino Seafarers; proposed Trabaho Para Sa Bayan Act; gayundin ang Anti-Financial Scamming Act, at proposed amendments to the Bank Secrecy Law.
Muli ring binigyang diin ni Zubiri na isusulong din nila ang legislated wage hike ng mga manggagawa.
Matapos naman ang pagbubukas ng sesyon mamayang tanghali ay tutungo na ang mga senador sa Batasang Pambansa para makinig sa SONA ng Pangulo. —sa ulat ni Dang Garcia, DZME News